ano ba ang alam ko sa malayang pamamahayag?
-meikan-
matagal akong napaisip at napatanga
ano nga ba ang alam ko sa kalayaan
ano ba ang alam ko sa pamamahayag
marahil nga wala akong alam
ang tanging nasa isip ko lang
ay ang mga mamamahayag na napatay
ang mga reporter na nawawala
ang mga tagalathala na nakulong
marahil nga wala akong alam sa kalayaan
ang alam ko lang ay nagbabaga ang aking mga kamay
umaagos sa isip ko ang mga sigaw
ng katotohonang nais kumawala
ng mga kasinungalingang kinamumulatan ng mundo
marahil nga wala akong alam sa kalayaan
ano nga ba ang alam ng isang tulad ko?
na ang ikot ng mundo ay iba sa alam mo
na ang mga tunay na nangyayari'y pinagtatakpan nila
oo, yun lang ang alam ko
kalayaan? marahil diyan ay wala akong alam
pero may nais akong ikwento sa iyo
ang mga buhay at pamumuhay ng mga tao
na lumalaban para makuha ang malayang pamamahayag
oo, yan lang ang tanging alam ko...
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment