may mga pagkakataon na kung saan talagang aakalain mong napagtitripan ka ng mundo.may mga pangyayari na kung saan ay magtataka ka kung ano talaga ang ibig sabihin no'n, kung di man ay kung anong mangyayari pagkatapos.
maghapon akong maghanap ng ChocNut. buong mundo na yata binulabog ko para magka-ChocNut lang ako pero walang nangyari. naiwan ako sa isang sulok na walang kausap at wala ring ChocNut.
Bigla na lang sumagi sa isipan ko yung bagay na pilit kong binabaon sa limot. bumalik ang bigat ng pakiramdam ko at tila ang bilis ng takbo ng buhay sa paligid ko habang ako'y nakatanga at gusto ko na lang mawala.
sinubukan kong magsaya at ngumiti kasama ang mga katropa pero walang nag-iba. akala ko'y matatakpan ng mga tawanan namin ang pagkatuliro ng utak ko. hanggang sa kinailangan ko nang umuwi kaya lalo akong nalugmok sa kalungkutan ko.
habang nakasakay sa jeep napasulyap ako sa magkasintahang magkaakbay. parang nilagyan ng gabundok na bato ang puso ko. napansin kong napatulala ako sa kanila kaya binaling ko ang aking atensyon sa labas ng jeep.
naglakbay ang diwa ko at parang gusto ko na lang din lumipad kasama ng isipan ko. sana naging simple na lang ang lahat at di na siguro ganito kakumplikado ang nararamdaman ko.
pagbaba ko'y nagpasalamat ako dahil malayo-layo pa ang lalakarin ko. kaunting panahon kasama lamang ang sarili ko at ang miserableng pakiramdam ko.
di ko alintana ang mga taong nagmamadali dahil sa ambon. binibilang ko ang bawat hakbang nang bigla kong maalala ang hinahanap ng panlasa ko.
kinatok ko ang tindahan ni aling emma para bumili ng ChocNut pero sabi niya kauubos lang daw. wala akong magawa kundi maglakad muli at magbilang ng bawat hakbang ko.
lumalakas ang ulan pero di ko yun pinapansin, ang hiling ko lang makakain ako ng ChocNut at mawala na ang problema ko. may magbigay lang ng ChocNut sa akin baka mapakasalan ko siya sa tuwa.
basang-basa na ako at lalo pang lumakas ang ulan pero di ako sumilong. gusto kong damhin ang pakikiramay ng kalikasan sa akin. pero pagtapat ko sa isang botika ay isang kamay ang humatak sa akin.
tumambad sa aking harapan ang taong nasa huling bahagi ng listahan ng mga taong gusto kong makita, ang ex ko. para siyang makakita ng lumang kaibigan at walang kaabog-abog ay tinanong ako kung may balak daw ba akong magpakamatay.
hindi pa ako nakakabawi sa pagkakagulat ay ngumiti ako na para bang ordinaryo lang ang mga nangyayari. ang sagot ko sa lang sa tanong niya ay kailangan kong makauwi kaagad.
sinabihan niya akong sumilong mula at tsaka inabot ang panyo niya. kinuah ko ang panyo at nahihiyang pinunasan ko ang basang-basa kong mukha habang pinanonood ko siyang kinkapa ang bulsa niya na tila may hinahanap. paglabas ng kamay niya ay nakita ko ang biro ng tadhana sa akin.
inilapit niya sa akin ang kanyang kamay at huminto sa pag-ikot ang mundo ko.
tinignan ko siya pero di niya matunugan ang mga bagay na tumatakbo sa isipan ko. hinihintay lang niyang kunin ko ang nasa kamay niya.
yung ChocNut....
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
wow! da best ka po, ganda! naramdaman ko yung ulan at naglaway ako sa chocnut :)
Post a Comment